Lim, ikinumpara ni Erap sa buwayang si 'Lolong'
Ilang araw bago ang eleksyon sa Lunes, wala pa ring patid ang girian nila dating Pangulong Joseph Estrada at incumbent Maynila mayor na si Alfredo Lim. Sa isang talumpati sa Maynila nitong Biyernes, tinawag ni Estrada si Lim na "Lolong," ang buwayang naitala sa Guiness World Record bilang pinakamalaking nahuling buwaya sa mundo. “Kaya Lolong po ang tawag e, masyadong buwaya,” ani Estrada sa isang ulat sa "State of the Nation" sa GMA News TV. Ang dalawa ay maglalaban sa pagka-mayor ng Maynila sa darating na halalan. Muli ring pinuna ni Estrada ang usapin tungkol sa pagiging Pilipino ni Lim. ‘Yung akin pong katunggali ko hanggang ngayon ay hindi maipakita ang kanyang birth certificate,” ayon kay Estrada, na nagsabing si Lim ay Tsino at hindi Pilipino. Nitong Huwebes, nagpresenta rin si University of the Philippines law professor Harry Roque ng dokumentong nagpapakita umano na hindi Pilipino si Lim. Itinanggi ng abugado na kumakampi siya kay Estrada. Pinabulaanan naman ni Lim ang akusasyon, sabay banat na hindi nakatapos ng pag-aaral si Estrada. “Hindi naman ito labanan ng siraan e, labanan ito ng track record... Bakit ganoon kung magsalita parang walang pinag-aralan. Sabagay, hindi naman ata nakapagtapos ng kolehiyo yun e,” sabi ni Lim. Tumigil sa pag-aaral si Estrada noong ito ay nasa ikatlong taon sa kolehiyo. Ayon kay Lim, uurong na siya sa pagtakbo kapag siya mismo ay walang naipapakitang birth certificate na magpapatunay na Pilipino siya. “Kung wala akong maipakita [na birthcertificate] magwi-withdraw naman ako, bakit ayaw tanggapin yung hamon. Wala sigurong masabi. Alam na sigurong matatalo siya kaya kung anu-ano ang sinasabi,” ayon kay Lim na naghamon na dapat umatras din si Estrada kapag may naipakita siyang birth certificate. -- JGV/FRJ, GMA News