Ex-Pres Arroyo, hindi boboto sa Lunes
Hindi na boboto si dating Pangulo at kasalukuyang kongresista ng Pampanga na si Gloria Macapagal-Arroyo sa gaganaping eleksyon sa Lunes, Mayo 13. Sa isang ulat ni Lia Mañalac ng GMA News, sinabi ng tagapagsalita ni Arroyo na hindi na humingi ng permiso ang dating pangulo na bumoto sa Mayo 13. "Arroyo's spokesperson says, the former President didn't seek permission to be able to vote on Monday," sabi ni Mañalac sa Twitter account niya. Nauna nang iniulat ng dzBB na hindi na hiniling ni Arroyo sa Sandiganbayan na payagan itong makauwi sa Lubao, Pampanga para makaboto. Hindi rin hiniling ni Arroyo sa Commission on Elections (Comelec) na magpadala ng mga tauhan sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City kung saan siya nananatili matapos isailalim sa hospital arrest. Isinailalim sa hospital arrest si Arroyo simula noong Disyembre 2011 dahil sa kinakaharap na mga kasong katiwalian at pananabotahe sa nagdaang mga eleksyon. Muling tumatakbo si Arroyo bilang kongresista para kanyang ikalawang termino bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga. - JGV/FRJ, GMA News