Mga Marcos at Singson, nangunguna pa rin sa Ilocos Region
Ang pamilya Marcos at Singson pa rin ang namamayani sa Ilocos Region batay sa resulta ng partial at unofficial count sa bilangan ng mga boto sa Ilocos Norte at Ilocos Sur. Sa 65.41% ng Election Returns sa Ilocos Norte, tiyak na ang muling pag-upo ng walang kalabang si Imee Marcos bilang gobernador ng lalawigan na may 162,569 boto. Tiyak na rin ang panalo bilang kongresista ng 2nd District ni dating First Lady Imelda Marcos na mayroong 64,943 boto, laban sa 7,810 boto ng malayong pumapangalawang si Ferdinand Ignacio. Wala ring kalaban sina Vice Gov. Angelo Barba na may 122,686 boto, at si 1st District re-electionist Rep. Rudy Farinas na may 83,249 boto. Samantala sa Ilocos Sur, pumasok na ang partial unofficial tally na kumakatawan sa 49.13% Election Returns ng lalawigan. Sa naturang bilang ng mga boto, malaki ang kalamangan sa pagka-gobernador ni Ryan Luis Singson na may 108,738 boto, laban sa 49,987 boto ni Roque Verzosa Jr. Angat naman sa labanan ng pagka-bise gobernador si DV Savellano na may 94,829 boto, kontra kay Efran Rafanan Sr. na may 55,870 boto. Sa unang distrito ng Ilocos Sur, lamang si Ronald Singson na may 47,094 boto, kontra sa 24,431 ni Trandy Baterina. Si Eric Singson naman ang nangunguna sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito na may 66,431 boto, laban sa 10,456 boto ni Henry Capela. - FRJImenez, GMA News