Bilang ng mga bumoto ngayong eleksyon, mas kaunti kumpara sa nakaraang mga halalan
Maaaring naapektuhan umano ng pag-ulan at kawalan ng kuryente sa ilang lugar ang mababang bilang ng mga Pilipinong bumoto ngayong eleksyon. Nauna nang sinabi ni Comelec chairman Sixto Brillantes Jr. na 70 porsiyento lamang ang inaasahan nilang voter turnout para sa Mayo 13 eleksyon—mas mababa sa 75 porsiyento noong 2007 polls at 76 porsiyento sa nakaraang 2010 presidential election. Ayon kay Ramon Casiple, political analyst, kadalasang mas mababa ang voter turnouts tuwing midterm elections kumpara sa presidential elections kung saan kasama sa pinagbobotohan ang posisyon ng presidente at bise presidente. "Expected sa midterm, walang change of power," ani Casiple sa GMA News Online. Ito rin ang sinabi ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). "Siguro at best comparable to 2010, but as you said nga may factors: the rain, it’s not a presidential election, there were some areas without power. Those could have contributed," ani PPCRV national media director Ana de Villa-Singson sa GMA News Online sa command center ng grupo sa Pope Pius XII Center sa Manila. Base sa mga ulat, mababa ang voter turnout sa Calasiao, Pangasinan, kung saan nahirapan ang mga residente na magpunta sa mga presinto dahil sa pagbaha dulot ng pag-ulan noong Lunes ng umaga. Sa Malabon, bumoto ang dalawang may-edad na babae sa kabila ng hanggang-baywang na baha. Gumamit ang isa ng balsa habang dumating ang isa sakay ng bangka. Sa Cavite, naapektuhan ng malakas na pag-ulan ang kuryente sa apat na polling centers noong Lunes ng hapon. Ayon kay De-Villa-Singson, mahalaga ang midterm elections dahil direktang maapektuhan ang mga botante sa mga posisyong ito. “Although that makes me sad because if you think of it, [itong 2013 elections] 'yung mga [iboboto ang mga] mambabatas, sila yung gagawa ng mga batas that will directly affect our lives, so actually it’s just as important as a presidential race,” aniya. Gayunpaman, base sa impormasyong kanilang natanggap, "decent" ang voter turnout at maaaring pumantay sa 75 porsyento ng turnout noong 2010 eleksyon. We’re not making any projections because based on our data—qualitative 'yung data namin, ‘yung data ng aming mga coordinators—maganda naman [ang expected voter turnout],” ani De Villa-Singson. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News