Migz Villafuerte, lamang sa kanyang lolo sa gov race sa CamSur; Leni Robredo, panalong kongresista
Patuloy ang paglaki ng kalamangan ni LRay "Migz" Villafuerte laban sa kanyang lolo na si Luis Villafuerte sa labanan ng pagka-gobernador sa Camarines Sur. Samantala, naiproklama na bilang panalong kongresista si Atty. Leni Robredo sa ikatlong distrito ng lalawigan. Sa ulat ng "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing naiproklama bilang nagwaging kongresista si Robredo matapos makakuha ng malaking kalamangan sa kanyang mga katunggali. Batay sa partial unofficial tally sa Election Returns ng Camarines Sur na kumakatawan sa 67.59%, nakakuha na si Robredo ng 111,414 boto, laban sa 31,233 boto ng pumapangalawang si Nelly Villafuerte, asawa ni Luis Villafuerte. Si Robredo ay misis ng pumanaw na si Interior and Local Government secretary na si Jesse Robredo. Halos tiyak na rin ang muling panalo ni Rep. Rolando Andaya bilang kongresista ng unang distrito. Nakakuha na siya ng 50,200 boto laban sa 5,168 boto ng pumapangalawang si Nestor delos Reyes. Mahigpit naman ang labanan sa 4th district kung saan may 51,731 boto si Aga Muhlach, habang 48,804 ang boto ni Wimpy Fuentebella. Sa 5th district, malaki ang kalamangan ng 67,466 boto ni Sal Fortuno laban sa 37,613 boto ni Felix Alfelor Jr. Sa ikalawang distrito ng lalawigan, lumalamang si Rep. Dato Arroyo na may 51,464 boto, laban kay outgoing Gov. LRay Villafuerte na 43,885 boto. Ang anak ni LRay na si Migz na kandidatong gobernador, nakakuha naman ng 190,996 boto laban sa kanyang lolo na si Luis na mayroong 148,151 boto. Ang nasa malayong ikatlong puwesto na si Joel Cadiz ay may 103,327 boto. Sa labanan ng pagka-bise gobernador, nangunguna si Ato Pena na may 235,709 boto, kontra sa 137,415 boto ni Gil Basmayor. -- FRJ, GMA News