'Catholic vote,' naramdaman ba ngayong halalan?
Kapag panahon ng kampanya, kabilang sa mga niligawan ng mga kandidato ang suporta ng iba't ibang sektor gaya ng mga religious group. Sa katatapos na bilangan ng mga boto, tumalab kaya sa balota ang tinatawag na Catholic vote? Isa sa mga naging isyu sa halalang ito ay ang kontrobersiyal na listahan ng mga kandidato ng ilang diocese ng Simbahang Katoliko na "Team Patay" at "Team Buhay." Ang nasabing listahan ay tungkol sa mga kandidatong sumuporta at hindi suporta sa reproductive health bill na naging ganap na batas. Basahin: Team Patay vs. Team Buhay: The new Inquisition? Bukod sa listahan ng Team Patay at Team Buhay, nag-endorso rin ng 10 kandidatong senador ang Catholic-backed White Vote Movement. Inendorso ng samahan sina Nancy Binay, JV Ejercito, Richard Gordon, Gringo Honasan, Marwil Llasos, Mitos Magsaysay, Koko Pimentel, Antonio Trillanes IV, Cynthia Villar, at Miguel Zubiri. Pero sa inisyal na bilang ng mga boto ng mga kandidatong senador, sina Binay, Ejercito, Honasan, Pimentel, Trillanes, at Villar pa lamang ang nakapasok sa top 12. Kapuna-puna rin na ang mga pangalang nabanggit ay matataas na ang ranggo sa mga survey bago pa man sila inindorso ng samahan. Ang lima rin ang mga kandidato na nakalagay sa listahan ng "Team Buhay" dahil sa pagtutol nila sa RH law, kasama si Mitos Magsaysay, na nahuhuli sa bilangan ng mga boto. Samantala, ang apat sa pitong kandidatong tinawag na "Team Patay" dahil sa pagsuporta sa RH law ay nakapasok din sa top 12: sina Sonny Angara, Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, at Loren Legarda. Mataas na rin ang nakuha nilang ranggo sa mga naunang survey bago pa man sila inilista sa "Team Patay." Ang iba pang kasama sa Team Patay na sina Teddy Casiño, Jack Enrile, at Risa Hontiveros, ay hindi pa nakakapasok sa magic 12 at mababa rin ang ranggo sa mga survey. Basahin: White Vote Movement endorses four more Senate bets Bago ang halalan, nanawagan si Lipa Archbishop Ramon Arguelles, dating vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines - Episcopal Commission on Family and Life, sa mga Katoliko na piliin ang mga pro-life na kandidato. "Kaya kapag mayroong kandidato na hindi sumusunod sa utos ng Diyos, dapat tanggihan yung mga 'yun. At kailangan na magkaroon ngayon ng Catholic vote. Dapat ipakita natin ang pagiging tunay na Katoliko. Marami diyan ay mga pekeng Katoliko, yun ang naghahari sa atin," paliwanag ng arsobispo. Pero si Senador Miriam Defensor-Santiago, nauna nang nagsabi na "fiction" lamang ang tinatawag na "Catholic vote." “In the past, the Catholic Church campaigned against Sen. Juan Flavier because as Health secretary, he freely distributed condoms. But Flavier won the elections. Thus, the so-called Catholic vote is a political myth," aniya. Maging ang political analyst na si Ramon Casiple ay naniniwala na hindi totoo na mayroong Catholic vote. "There is none, definitely, if you are talking of a national vote," aniya. Dagdag niya, nanalo rin "by landslide" si dating Pangulong Joseph Estrada noong 1998 sakabila nang pangangampanya ng maraming opisyal ng Simbahan laban sa kanya. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News