Liberal Party, nabigong maagaw ang kapitolyo ng Pangasinan kay Espino
Naiproklama na bilang nanalong gobernador ng Pangasinan sa katatapos na halalan si re-electionist Gov. Amado Espino Jr.. Ito'y matapos niyang talunin ang pambato ng Liberal Party (LP) na si Alaminos mayor Hernani Braganza. Sa ulat ni Joy Segui ng GMA-Dagupan sa "Balita Pilipinas Ngayon", sinabing nagawang magtagumpay ni Espino sakabila ng mga alegasyong ibinato sa kanya bago ang halalan. Kabilang dito ang umano'y pagiging sangkot sa iligal na sugal na jueteng at pagkakadawit sa pagkamatay ni Infanta mayor Ruperto Martinez. Basahin: Labanan sa pagka-gobernador sa Pangasinan nina Espino at Braganza, lalong umiinit Nitong Miyerkules ng umaga, pormal na iprinoklama ng Pangasinan Board of Canvasser bilang nanalong gobernador si Espino, kasapi ng Nationalist Peoples Coalition (NPC). Nagwagi rin ang bise gobernador ni Espino na si Jose Ferdinand Calimlim Jr. Naiproklama rin bilang panalong kongresista si Pangasinan 1st District Rep. Jesus Celeste, na kasama ni Espino ay kinasuhan sa Department of Justice kaugnay sa pagkamatay ni Martinez. Samantala, ang kapatid ni Celeste na si Arthur ang nangunguna sa inisyal na bilangan ng mga boto sa posisyon ng babakantihing puwesto ni Braganza bilang alkalde ng Alaminos. Mahigpit na kalaban ni Arthur sa nasabing posisyon ang anak ni Braganza na si Lean. Sa kanyang pahayag, pinasalamatan ni Espino ang kanyang mga tagasuporta na hindi umano bumitiw sa kanya at hindi hinayaang maghari ang kasamahaan sa kanilang lalawigan. Samantala, naiproklama na rin bilang panalong kongresista si Kimi Cojuangco para sa 5th District ng Pangasinan, at si Pol Bataoil para sa 2nd District ng lalawigan. -- FRJ, GMA News