Opisyal na: 9-3, resulta ang Senate race na pabor sa Team PNoy
Opisyal na ang pagkapanalo ng siyam na kandidatong senador ng Team PNoy at tatlo mula sa United Nationalists Alliance (UNA). Ito'y matapos iproklama ng Commission on Elections (Comelec) en banc nitong Sabado ng gabi ang nalalabing tatlo pang kandidatong senador na nagwagi sa katatapos na mid-term elections.
Dumalo sa kanilang proklamasyon na idinaos sa Philippine International Convention Center sa Pasay City sina Cynthia Villar, Jose Victor Ejercito, at si Gregorio Honasan II, na siyang nasa ika-12 at pinakahuling nakapasok sa magic 12.
Nasa ika-13 puwesto naman si dating Sen. Richard "Dick" Gordon, kasapi rin ng UNA.
Nauna nang naiproklama ng Comelec sina senators-elects Grace Poe-Llamanzares, Lorna Regina "Loren" Legarda, Francis Joseph "Chiz" Escudero, Alan Peter Cayetano, Ma. Lourdes Nancy Binay, Edgardo Angara, Benigno "Bam" Aquino IV, Aquilino "Koko" Pimentel IV, Antonio Trillanes IV.
Tanging sina Binay, Trillanes at Pimentel ang hindi dumalo sa araw ng kanilang proklamasyon.
Dumalo naman sa proklamasyon nitong Sabado sina outgoing Sen. Manny Villar, asawa ni Cynthia; dating Pangulo at Manila mayoralty-elect Joseph Estrada, ama ni JV; at maging si Vice President Jejomar Binay, isa sa mga lider ng UNA.
Ginawa ng Comelec en banc, umuupong National Board of Canvassers, ang proklamasyon matapos mabilang ang 129 sa 301 certificates of canvass (COCs).
Sa pagkapanalo ng siyam na kandidato ng Team PNoy (Poe, Legarda, Cayetano, Escudero, Pimentel, Aquino, Angara, Trillanes, at Villar) lalong lumakas ang kontrol ng administrasyong Aquino sa Senado.
Ang iba pang kaalyado ng administrasyon na kasalukuyang nakaupo sa Senado ay sina Sens. Franklin Drilon, Teofisto Guingona III, Pia Cayetano, Sergio Osmena, at Ralph Recto.
Sinabi naman sa ulat ng dzBB radio na ipagpapatuloy ng Comelec ang canvassing para sa party-list groups sa Lunes ng umaga sa kanilang tanggapan sa Intramuros sa Manila.— FRJ GMA News