VP Binay, pinayuhan si Nancy na maging matatag
Pinayuhan ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang anak, Senator-elect Nancy, na magiging matatag sa gitna ng mga pambabatikos sa kanya.
"Sabi ko kanina, ulitin ko, anak ikaw eh halal na, haharapin mo ay yung talagang mga misgivings ng mga nahahalal. 'Yung batikos sa personal, pero magdasal ka lang at pakita mo sa kanila na hindi naman tama yung pinagsasabi nila," ayon kay VP Binay sa panayam ng radio dzBB.
Ayon kay Binay, matapos ang eleksyon, patuloy pa rin ang pambabatikos sa kanyang anak sa mga social networking site.
"Buti na lang hindi ako nagbabasa ng Facebook. Basta’t maraming nagpapadala sa cellphone. Sama-sama ng ginagawa nila kay Nancy. Napaka-vicious na. Tapos na 'yung halalan, ano pa ba ang gusto nila," ani Binay.
Matapos ibasura ng Comelec ang petisyon ng kanilang koalisyon na United Nationalists Alliance na ipagliban muna ang proklamasyon, hindi dumalo ang nakababatang Binay sa kanyang proklamasyon noong Huwebes, at sa halip, naiproklama lamang siya noong Sabado ng gabi.
Noong Sabado, nakumpleto na ang "Magic 12" sa Senado para sa ika-16 Kongreso. Kasama sa mga ito ay sina:
Juan Edgardo Angara
Benigno Paulo "Bam" Aquino IV
Ma. Lourdes Nancy Binay
Alan Peter Cayetano
Francis Joseph "Chiz" Escudero
Jose Victor Ejercito Estrada
Gregorio Honasan II
Lorna Regina "Loren" Legarda
Mary Grace Poe-Llamanzares
Aquilino Martin "Koko" Pimentel IV
Antonio Trillanes IV
Cynthia Villar
Tanging si Trillanes lamang ang hindi nakadalo sa kanyang proklamasyon sapagkat nasa ibang bayan pa siya.
Sa ika-16 Kongreso, sasamahan ng bagong "Magic 12" sina:
Senate President Juan Ponce Enrile
Senate President Pro Tempore Jose "Jinggoy" Estrada
Senate majority leader Vicente Sotto III
Pilar Juliana "Pia" Cayetano
Miriam Santiago
Franklin Drilon
Teofisto Guingona III
Manuel "Lito" Lapid
Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sergio Osmeña III
Ralph Recto
Ramon Revilla Jr.
Samantala, ipagpapatuloy ng Comelec ang bilangan ng boto para sa mga grupong party list ngayong 10 ng umaga ng Lunes sa head office nito sa Intramuros, Manila. — RC, may kasamang ulat ni Amanda Fernandez /LBG, GMA News