40 na mga Pinoy galing Jeddah, nakarating na sa bansa
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang panibagong batch ng “distressed overseas Filipino workers” mula sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ayon sa ulat ni Mao dela Cruz ng dzBB, lumapag sa NAIA Terminal 1 ang Emirates Airlines flight 336 lulan ang may 40 OFWs bandang 6:47 ng umaga nitong Linggo.
Sinalubong ng Overseas Workers Welfare Administration-Repatriation team ang mga OFW.
Sumalubong din ang mga kinatawan ng Bureau of Quarantine dahil may mga sakit ang ilan sa mga dumating.
Sinabi ng mga OFW na maiinit at siksikan sa deportation center sa Jeddah kay nagkakasakit ang ilan sa kanila, kadalasan ubo at sipon.
Sa mga dumating, 18 ang menor de edad habang 22 naman ang mga matanda.
Bukod dito, ipinaliwanag din ng OWWA sa dumating na mga OFW ang "reintegration program" ng pamahalaan partikular ang “Balik Pinay, Balik Hanapbuhay” at livelihood assistance program.
Mahigit isang libong undocumented OFWs ang ngayo'y nagsiksikan sa isang campsite malapit sa konsulada ng Pilipinas sa Jeddah.
Nagsimula silang mag-kampo doon noong ika-11 ng Abril matapos magbigay ng deadline ang pamahalaan ng Saudi Arabia laban sa mga ilegal ma mga dayuhan.
Ang karamihan sa kanila ay umano'y tumakas sa kanilang mga malulupit na amo at ang ilan ay paso na ang kanilang mga dokumento.
Naghipit na ang Saudi Arabia laban sa mga ilegal na dayuhan at hanggang Hulyo na lamang ang palugit na ibinigay sa kanila bago ipatutupad ang sapilitang pagpapaalis sa mga dayuhan. — RC /LBG, GMA News