ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Grupo ng mga sundalo, tinambangan ng NPA sa Camalig, Albay; 3 militar, patay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang tatlong sundalo ng 2nd Infantry Battalion Charlie Company na nakabase sa Camalig, Albay matapos itong tambangan ng mga pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng New People's Army (NPA) na hindi bababa sa 40 ang bilang kaninang pasado alas nueve ng umaga. Sampung landmines ang ginamit ng mga rebelde sa pang-a-ambush sa mga tropa ng pamahalaan. Kuwento ni PSInsp. Arthur Gomez ng Police Provincial Office Albay, naglalakad ang siyam na kasapi ng Charlie Company sa pagitan ng Brgy. Del Rosario at Mamanila sa Camalig ng bigla umano silang pasabugan ng mina. Hindi muna pinangalanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tatlong nasawi. Matinding takot naman ang iniwan ng insidente sa mga residente doon kung saan nagkalat pa sa lugar ang mga shrapnel at basyo ng bala. Narecover naman ang mga wires na ginamit sa paggawa ng landmine. Ang mga sundalong ito ng 2nd Infantry Battalion ay silang nagbabantay ng ginagawang international airport sa lugar. Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang tagapagsalita ng Philippine Army. Ayon naman sa 901st Brigade, foiled ang isinagawang ambush ng mga rebelde. Ang talagang target di umano ng mga rebelde ay ang detachment na malapit sa lugar at hindi ang mga sundalo. Sa ngayon patuloy ang ginagawang clearing operation sa lugar. — BM, GMA News