Cha-cha at pagpapaliban ng barangay elections, ibinasura ni PNoy
Hindi pinaboran ni Pangulong Benigno Aquino III ang mungkahing galawin na ang Konstitusyon para baguhin ang ilang probisyon nito tungkol sa ekonomiya. Bukod dito, tutol din siya sa mungkahing ipagpaliban ang eleksyon ng barangay sa darating na Oktubre. Sa isang panayam nitong Martes, sinabi ni Aquino na mas gugustuhin na lamang niya na mag-focus ang papasok na Kongreso sa pagpapabuti ng demokrasya at pagpapalakas ng mga impraestraktura upang makaakit ng mga dayuhang negosyante, kaysa suportahan ang Charter change (Cha-cha). "My stand has been public for the longest time. I don't think they [economic provisions] are necessary detriments to getting foreign investments in this country," sabi ng pangulo na dumalo sa anibersaryo ng Philippine Navy sa Cavite. Kasabay nito, inihayag din niya ang pagtutol sa mungkahi ng Commission on Elections (Comelec) na iurong sa susunod na taon ang nakatakdang barangay elections sa Oktubre. "Kinakabahan ako baka maraming postponement na mangyari... Kailangan kayanin nila (Comelec)," ayon kay Aquino. Nitong Lunes, sinabi, Comelec chief Sixto Brillantes Jr. na mas nais niyang iurong ang barangay elections sa October 2014 o January 2015 upang mabigyan ng sapat na panahon ang komisyon upang matutukan ang mga ihahaing reklamo kaugnay sa katatapos na mid-term elections.—JGV/FRJ, GMA News