PNoy sa Navy: PHL, hindi dapat matakot sa mga banta
Sa gitna ng kasalukuyang sigalot kasama ang Taiwan at sa matagal nang alitang-teritoryo sa China, itinipon ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes ang mga miyembro ng Navy at sinabing hindi dapat matakot ang Pilipinas sa mga pagbabanta. "Sa ilalim ng ating agenda ng mabuting pamamahala, malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas, at kaya nating pumalag at ipagtanggol ang sarili tuwing may sisindak sa atin sa loob at labas ng bansa," ani Aquino sa kanyang talumpati sa harap ng Philippine Navy sa isang event. Ayon kay Aquino, ang commander-in-chief ng militar, "capable" ang Pilipinas upang ipagtanggol ang sarili mula sa panloob o panlabas na mga banta sa seguridad. Nangako rin siya sa mga opisyal ng militar na dumalo sa event na sisiguruhin ng kanyang administrasyon na itutuloy ang modernization ng Armed Forces of the Philippines. "Makakaasa naman kayo na tinutumbasan na ng ating gobyerno ang inaalay ninyong serbisyo. Walang duda: Tapos na ang panahon ng pambabalewala sa mga nagmamalasakit sa bayan," aniya. Dagdag niya, pinaplano rin ng kanyang gobyerno ang pagkakaroon ng mas maraming kagamitan para sa Navy, kabilang na ang multi-purpose attack crafts, amphibious assault vehicles, frigates at mga helicopter. Gayunpaman, pinaaalahanan ni Aquino ang mga opisyal ng militar na panatalihin ang "calmness and temperance" sa gitna ng mga pagbabantang kinahaharap ng bansa. Alitan kasama ang China at Taiwan Inihayag ni Aquino ang kanyang talumpati habang patuloy ang sigalot kasama ang Taiwan matapos mapatay ang isang 65-taong-gulang Taiwanese na mangingisdang si Hung Shih-Cheng sa karagatang kinasasakupan ng Pilipinas. Ayon sa mga awtoridad ng Philippine Coast Guard, "self-defense" lamang ang pagbaril nila sa mangingisda. Humingi na ng paumanhin si Aquino sa Taiwan sa insidente, ngunit tinanggihan ito ng gobyerno ng Taiwan at itinuloy pa rin ang pagsasagawa ng travel ban sa Pilipinas at pagtigil sa pagkuha ng mga manggagawang mga Pilipino. Sa kabilang banda, patuloy rin ang alitang-teritoryo kasama ang China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea, kasama na ang Spratlys Islands. Inaangkin rin ang ilang bahagi ng Spratlys Island, na pinaniniwalaang mayaman sa langis, ng mga bansang Taiwan, Vietnam, Malaysia at Brunuei. Noong Enero, idinala ng Pilipinas ang alitang-teritoryo kasama ang China sa United Nations tribunal, at humiling sa Beijing "to desist from unlawful activities that violate the sovereign rights and jurisdiction of the Philippines under the 1982 UN Convention on the Law of the Sea." Tinanggihan na ng China, na inaangkin ang buong South China Sea, ang international arbitration na hinihiling ng Pilipinas. — Amanda Fernandez/BM, GMA News