PNoy, itinanggi ang mga alegasyon ni Jun Lozada
Pinabulaanan ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes ang mga alegasyon ni whistle-blower Rodolfo "Jun" Lozada Jr. na ginigipit siya ng kasalukuyang administrasyon. Sa pagdalo niya sa pagtitipon ng Philippine Navy sa Cavite, inihayag ni Aquino sa mga mamamahayag na wala siyang kapangyarihan na diktahan ang Sandiganbayan kung saan nakabinbin ang kasong katiwalian laban kay Lozada. Si Lozada ang nagsilbing testigo sa ginawang pagdinig ng Senado sa umano'y maanomalyang kontrata para sa national broadband network (NBN) project na pinasok ng pamahalaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ZTE Corp. ng China. "Kung ang paraan para hindi siya ma-harass ay maabswelto siya, wala po sa poder natin iyan. Kapag tayo po ay nakialam sa ginagawa ng Ombudsman, tayo naman po ay magkakakaso. Dapat po ay nauunawaan niya iyan," paliwanag ni Aquino. Una rito, inakusahan ni Lozada si Aquino na pinababayaan nito ang NBN-ZTE case at nagtanim umano sa kanya ng hinanakit ang pangulo. Hindi umano nagustuhan ni Aquino ang pagtanggi niya sa alok nito noong senador pa lamang na magpasundo sa airport nang kainitan ng usapin sa NBN-ZTE deal, ayon kay Lozada. Paliwanag ni Aquino, napakiusapan lamang siya na isailalim sa kanyang kostudiya noon si Lozada, na hindi natuloy dahil pinili nito na magpasailalim sa pangangalaga ng mga madre. "Ang problema, lahat pala ng pinagpaplanuhan niya ay nire-relay niya sa kabilang panig. Pagdating niya, hindi na naabutan noong ating mga naatasan na salubungin siya dahil nailabas na nga sa ibang paraan," paliwanag ng pangulo. Idinagdag niya na inalok din niya ng tulong si Lozada na pangalagaan ang ilang mga dokumento na makatutulong para maidiin ang mga sangkot sa NBN-ZTE controversy. Gayunman, wala umanong ibinigay na mga dokumento si Lozada. "Hindi ko maintindahan. Kung meron po may galit kaninuman, siya yata ang may galit sa akin. Hindi kami ang nagsampa ng kaso. Sabi niya, kayang kaya niya ipagtanggol ang sarili niya. Bakit hindi iyon ang gawin niya imbes na kung saan-saan tayo pumupunta sa usaping iyan?" pahayag ni Aquino. —FRJ, GMA News