ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Coast Guard, tinatapos na ang ulat sa pagsadsad ng USS Guardian


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinatapos na ng Philippine Coast Guard ang ulat nito hinggil sa pagsadsad ng minesweeper USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero, at malapit na umano nila itong ipasa kay Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya.

Ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa dzBB nitong Miyerkules, maaaring kasama sa final report ng Marine Casualty Investigation Team (MCIT) ng Coast Guard ang mga administratibong kaparusahan na posibleng kakaharapin ng mga mapatunayang may kapabayaan na humantong sa insidente.

Matapos suriin ang ulat, inaasahang isusumite ito ni Abaya kay Pangulong Benigno Aquino.

Noong Abril, nakatanggap ang Philippine MCIT ng mga mahahalagang dokumento tungkol sa insidente mula sa US Navy.

Sumadsad ang USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero 17, at nakapinsala ng tinatayang 2,345.67 square meters ng bahura. Natanggal lamang ito mula sa lugar noong Marso 30.

Sa isang news release mula sa Tubbataha Management Office, maaaring umabot ng P58.4 milyon ($1.5 milyon) ang halaga ng multa sa pagsadsad ng barko.

Samantala, sinabi na ng Department of Foreign Affairs na ang safety inquiry ng MCIT ay naglalalyong matukoy ng pamahalaan ng Pilipinas at ng US ang posibleng mga hakbang upang maiwasang maulit ang insidente.  — Amanda Fernandez /LBG, GMA News