Russian national na stranded sa tuktok ng Mt. Mayon, nakita na
Natunton na nitong Miyerkules ng gabi ng pinagsamang rescue teams ng Philippine Red Cross at Bureau of Fire Protection-Region 5 ang kinaroroonan ng na-stranded na Russian mountaineer sa itaas ng Mt. Mayon.
Narating ng rescue teams ang mountaineer na si Mark Yuchyugav na may malay pero iniinda ang sakit sa kanyang napilay na paa. Dahil dito ay kinailangang siyang gamitan ng spine board.
Dahil lubhang delikado ng lugar na kanilang kinaroroonan, nagpasiya ang rescue teams na dahan-dahan nang bumaba patungo sa mas ligtas na bahagi ng bulkan.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras," sinabing nitong Linggo ng umaga nang umakyat ng Mayon si Yuchyugav. Ngunit hindi na ito makababa matapos umanong mapilayan.
Nakarating nitong Martes ng gabi sa Albay Public Safety and Emergency Management Office ang balita tungkol sa nawawalang dayuhan.
Isang residente sa barangay Busay sa Daraga, Albay ang nagpaabot ng impormasyon tungkol sa kalagayan ni Yuchyugav matapos niya itong makausap sa cell phone nitong Miyerkules ng umaga.
Dahil dito, kaagad na bumuo ng pinagsanib na rescue teams ang BFP-Region 5 at Red Cross upang puntahan ang dayuhan.
Ilang linggo pa lang ang nakararaan nang masawi ang limang mountaineers -- kabilang ang apat na dayuhan -- nang biglang pumutok ang nasabing bulkan. -- Michael B. Biando/FRJ, GMA News