DA, nakaalerto sa maaaring pagpasok ng mga kontaminadong bigas mula China
Nakaalerto ngayon ang Department of Agriculture sa posibleng pagpasok sa bansa ng mga bigas galing Chinan na umano'y may mataas na “lead content.”
Sa ulat ni Alan Gatus ng radio dzBB, sinabi ni Asst. Sec. Dante de Lima, National Coordinator for Rice Program, pinadalhan na nila ng liham ang National Food Authority, Department of Trade and Industry at Bureau of Customs para matiyak na hindi makalulusot ang mga bigas na kontaminado ng kemikal na lead.
Batay umano sa pagsusuri, anim na beses na mas mataas ang nakitang antas ng lead sa mga bigas na galing ng China.
Maliban dito, mataas din umano sa kemikal na cadmium – isang heavy metal – ang bigas na isang na kemikal na maaring magdulot ng sakit na kanser.
Sa kasalukuyan, maaaring magpasok ang China ng hanggang 350,000 metriko tonelada ng bigas bilang bahagi ng tinatawag na “minimum actions volume” sa ilalim ng World Trade Organization.
Pero hindi naman anya lingid sa publiko na baka ipasok sa bansa ang mga bigas na kontaminado ng lead sa pamamagitan ng “smuggling.”
Kaugnay nito, balak umano ng DA na magsagawa ng sample testing para sa mga rice mill products gaya ng noodles, bihon at iba pang mga produkto. Gayundin sa mga bigas na kontaminado ng kemikal na lead sa pangamba na ang mga ito’y ma-convert sa iba pang produkto. — RC /LBG, GMA News