Nadakip na 'Public Enemy No.1' ng Cebu, puwedeng sumali sa sikat na Cebu dancing inmates
Inilipat na sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) ang itinuturing "public enemy number one" ng lalawigan matapos na nadakip ng mga awtoridad sa bayan ng Moalboal, Cebu noong Lunes. Idineklarang public enemy number one si Joavan Fernandez makaraang siyang tumakas sa city jail ng Talisay noong May 8, dalawang araw lang makaraan naman siyang dakpin sa kasong pananakit, ayon sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa "24 Oras" nitong Huwebes. Bago nito, mayroon na rin iba pang kaso si Fernandez tulad ng pagpatay, illegal drugs, at paninira ng mga sasakyan. Si Fernandez ay anak ni outgoing Talisay mayor Socrates Fernandez. Pero sa halip na ibalik sa city jail ng Talisay, hiniling umano ni Mayor Fernandez at Cebu Rep. Eduardo Gullas na dalhin ang nakababatang Fernandez sa CPDRC dahil sa usapin ng seguridad nito. Sa CPDRC rin nakadetine ang mga bilanggo na miyembro ng sikat na "Cebu dancing inmates." At dahil bahagi ng ipinapatupad na rehabilitasyon ng mga bilanggo ang pagsasayaw sa CPDRC, sinabi ni acting warden Senior Insp. Denis Aliño, na maaaring sumali rito si Joavan kung nanaisin nito. Pero sa kabila ng pagkakalipat kay Joavan sa CPDRC, tiniyak ng mga awtoridad na hindi nila ito bibigyan ng special treatment. Itinanggi naman ni Joavan ang mga paratang laban sa kanya at bahala na umano ang kanyang abogado na sumagot tungkol dito. - FRJ, GMA News