Ina sa Jaro, Iloilo, iginagapang ang pag-aaral ng 9 sa 10 anak
Hirap man sa buhay, pilit na itinataguyod ng isang ginang sa Jaro, Iloilo ang pag-aaral ng 9 sa 10 niyang anak matapos makulong ang mister dahil sa kasong illegal drugs. Nang makapanayam ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo, hindi napigilan ni Gng. Leonora Habat, 43-anyos, ang maiyak dahil sa pag-iisip kung magagawa pa niyang mapag-aralan ang mga anak ngayong pasukan. Magkakasama ang pamilya na naninirahan sa isang maliit na kubo sa ilalim ng tulay. Ang panganay niyang anak ay 18-anyos, habang isang taon gulang naman ang bunso. Sa pasukan, dalawa sa kanyang mga anak magki-kinder, apat ang nasa elementarya at tatlo ang nasa high school. Masuwerte na raw kung maka-P200 si Aling Leonora sa pagmamanicure, kaya naman nagsa-sideline din siya bilang mananahi. Dahil sa kanilang kalagayan, napilitan na ang dalagita niyang anak na maglako ng paninda para may maidagdag sa kanilang kita, habang nagtatrabaho sa isang water refilling station ang kanyang kuya. Salat man daw sa kayamanan, nais ng mga bata na makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral upang hindi sila mapagkaitan ng kaalaman. -- FRJ, GMA News