ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Anak ng nasawing Taiwanese fisherman, may nakiusap sa kanyang mga kababayan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakiusap ang panganay na anak ng nasawing Taiwanese fisherman na si Hung Shih-cheng sa kanyang mga kababayan na huwag saktan ang mga Filipino na nagtatrabaho sa kanilang lugar. “She says don’t attack people in Philippines in Taiwan she will told the government and she will told the media (sic),” ayon sa interpreter ni Tzu-Chien Hong, anak ng nasawing 65-anyos na mangingisda sa ulat ni  John Consulta sa GMA news  “24 Oras” nitong Biyernes. Si Hung ay nasawi matapos paputukan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Mayo 9 ang bangka na kaniyang sinasakyan habang nasa teritoryong sakop ng Pilipinas. Napilitan umano ang mga tauhan ng PCG na paputukan ang bangka ni Hung dahil balak nitong banggain ang bangka ng coast guard matapos sitahin. Inihayag ng anak ni Hung sa ulat na ang pagkamatay ng kanyang ama ay hindi dapat maging dahilan para pagbalingan ng galit ang mga inosenteng Pilipino. Una rito, ilang insidente ng pananakit at diskriminasyon sa mga Pilipino ang naiulat na nangyari sa Taiwan dahil sa galit umano ng mga Taiwanese sa nangyari sa kanilang kababayan. Sa kabila nito, hiniling ni Hong sa pamahalaan ng Pilipinas na magbigay ng apology sa isang international press conference. Nais din niyang isumite ng Pilipinas ang sinasabing video footage sa nangyaring insidente na kinasangkutan ng PCG at mangingisdang Taiwanese. “We’ve been asking the Filipino government to show us the real proof such as the videos of the conflict between the Filipino coast guards vessels and the Taiwanese fisherman’s boat but so far we haven’t heard, seen any evidence. I don’t think their reaction so far is sincere or justifiable,” pahayag ng interpreter ni Hong.   Nauna nang sinabi ng Pilipinas na bibigyan ng access sa nasabing video ang mga Taiwanese investigators. Tinutulan naman ni Hong ang plano ng pamahalaang Pilipinas na magsagawa ng re-autopsy sa mga labi ng kanyang ama. Nagtago sa bangka Iginiit naman ni Yi-Chih Hong, kapitan ng Taiwanese fishing boat at anak din ng nasawing mangingisda, na nasa teritoryo sila ng Taiwan nang maganap ang insidente. Sinabi nito na nagtago sila sa loob ng bangka nang paputukan sila ng coast guard. “Takot na takot kami, kaya ‘di na kami lumabas. Doon na lang kami nagtago [sa loob ng bangka],” kuwento ni Yi-Chih na ipinadaan sa Filipino interpreter.   “Dahil meron nga po kaming GPS at mga recording siguradong-sigurado kami na nasa Taiwan territory talaga kami,” dagdag niya. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang paalala ng mga opisyal ng Pilipinas sa mga Pinoy sa Taiwan na maging maingat at mahinahon pa rin kaugnay sa nangyaring insidente. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News

Tags: taiwan