Pulis-Sulu nakaalerto matapos ang bakbakan sa Patikul
Inilagay na sa pinakamataas na alerto ang Sulu Police matapos ang engkwentro sa bayan ng Patikul na ikinamatay ng pitong sundalo at apat na miyembro ng Abu Sayyaf nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa ulat ni Glen Juego ng dzBB, inatasan na ni Autonomous Region in Muslim Mindanao police head Chief Superintendent Noel delos Reyes ang Sulu PNP na maging alerto dahil sa posibleng maglunsad ng “divertionary attacks" bandidong grupo.
Kadalasan umanong gagawa ng pambobomba, pangho-hostage at kung anu-ano pang kaguluhan ang bandidong Abu Sayyaf upang iligaw ang atensyon ng mga militar.
Ayon sa Western Mindanao Command, tiyak umanong gaganti ang mga bandido dahil isa sa mga napatay na miyembro nito ay pinaniniwalaang anak ng pinuno ng grupo. — RC /LBG, GMA News