Nasawi sa bakbakan sa Patikul, Sulu, umakyat na sa 12 katao
Umakyat na sa 12 katao ang nasawi at siyam ang sugatan sa bakbakan ng militar at bandidong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu, ayon sa tagapagsalita ng militar. Kabilang umano sa mga nasawi ay pitong Marines at limang miyembro ng ASG. Ayon kay Armed Forces spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan, nasa isang tracking operation ang miyembro ng 2nd Marine Brigade nang makaengkwentro nila ang Abu Sayyaf bandang 8:45 ng umaga sa barangay ng Tugas. Nagtagal ang putukan ng mahigit isang oras bago tumakas ang mga bandido, na patuloy pa ring tinutugis ng puwersa ng pamahalaan. “The soldiers were on tracking operations against those involved in recent kidnapping incidents in Sulu, when the firefight in Barangay Tugas occurred…. It was a long firefight. Unfortunately, seven personnel were killed in action and nine were slightly wounded,” sabi ni Tutaan. “On the side of the Abu Sayyaf, five were reported killed and some were wounded based on reports I got. The pursuit operations are ongoing right now… As we speak, the fighting has stopped and we are on pursuit operations,” dagdag niya. Hindi masabi ni Tutaan ang bilang ng nakasagupang bandido ng mga sundalo pero inilarawan niya ito na "large group," na nasa likod ng mga insidente ng pagdukot sa lugar. Kabilang umano sa mga dinukot ng mga bandido ay asawa ng isang sundalo. Tinataya ng militar na nasa 300 na lamang ang puwersa ng ASG na nagkukuta sa kabundukan ng Sulu at Basilan. Idinagdag ni Tutaan na patuloy na sinusubaybayan nina AFP Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Rey Ardo at 2nd Marine Brigade commander Col. Jose Johnriel Cenabre, ang sitwasyon sa lugar. - JGV/FRJ, GMA News