ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PLLO, inatasan ni PNoy na gumawa ng paraan para maiwasan ang paggamit niya ng 'veto' power


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ni Secretary Manuel Mamba ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) na inatasan siya ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na gumawa ng paraan upang maiwasan ang paggamit nito ng "veto" power o kapangyarihang ibasura ang mga panukalang batas na inaprubahan ng Kongreso. Sa panayam ng ilang mamamahayag, sinabi Mamba na umabot sa 55 local bills o panukalang batas na may "local applications" na inaprubahan ng kasalukuyang 15th Congress ang hindi pinirmahan ni Aquino. "Mga local bills ito na tungkol sa local roads na gustong gawing national roads, na sa pag-aaral ng presidente hindi naman kailangan at makakadagdag lang sa gastusin ng national government dahil ipapasa sa DPWH (Department of Public Works and Highways) ang maintenance mula sa local government (units)," paliwanag ng opisyal. Aniya, nagbigay noon ng paalala ang PLLO sa kinauukulang mambabatas na nagsusulong ng panukalang batas na malabo itong pirmahan ng pangulo matapos makitaan na hindi papasa sa panuntunan pero itinuloy pa rin ang pag-apruba. "Pinilit pa rin na aprubahan kasi naipangako na raw sa kanilang nasasakupan. Akala nila hahayaan lang ni Presidente na ang mga ganitong local bills na mag-lapse lang ang period sa pagpirma at pababayaang maging batas, " dagdag ni Mamba. Pero sinabi ng opisyal na sadyang ipinaparepaso ni Aquino ang lahat ng panukalang batas na inaaprubahan ng Kongreso -- hindi lang mga national bills, kung hindi maging ang mga local bills. "Kapag nakuha ng presidente ang recommendation ng review committee, personal din na pinag-aaral pa 'yan ng pangulo at kapag nakitaan ng butas, gagamitin niya ang veto powerl," ayon kay Mamba. Bukod sa mga local bills, ilang national bills din ang ibinasura ni Aquino. Kabilang dito ang panukalang batas na Centenarian Act na nagkakaloob ng dagdag na insentibo sa mga nakatatanda; ang Rights of Internally Displaced Persons Act para sa mga local refugee; at ang Magna Carta of the Poor. Sinabi ni Mamba na masusing pinag-aaralan ni Aquino ang mga pinipirmahang batas dahil nais niyang matiyak na maipapatupad ito at hindi mapapasama sa mga batas na naipasa noon na hindi naman naipatupad dahil sa kawalan ng pondo. Noong 2011, iniulat sa Kongreso ng Department of Budget and Management na kakailanganin ng pamahalaan ng P187.1 bilyon upang maipatupad ang 184 batas na ipinasa ng Kongreso magmula noong 1991. Hindi umano maipatupad ang mga panukalang batas- na karamihan ay local bills, dahil sa kawalan ng pondo. Tiniyak naman ni Mamba na pipirmahan ni Aquino at magiging ganap na batas ang mga panukalang batas kapag natiyak na nakapasa ito sa panuntunan at may pagkukunan ng pondo. Katunayan, mayroon umanong 20 local bills tungkol din sa kalsada rin ang inaprubahan ni Aquino, habang kabilang naman sa mga national bills na inaprubahan ang Martial Law Compensation Bill at ang pinakabagong Anti-Drunk Driving Act. Dahil sa katapusan pa ng Hunyo magwawakas ang kasalukuyang 15th Congress at mayroon pang mga panukalang batas na ipinaparepaso si Aquino, sinabi ni Mamba na maaari pang madagdagan ang mga panukalang batas na ibi-veto o ibabasura ng pangulo. Mahusay na koordinasyon Ayon kay Mamba, dapat maging aral sa lahat -- maging sa mga mambabatas na bubuo sa 16th Congress, na masusing pag-aralan ang mga inaaprubahang panukala upang hindi masayang ang pagod ng mga mambabatas at pondo ng gobyerno. Idinagdag niya na inatasan ni Aquino ang PLLO na gumawa ng hakbang para maging epektibo ang komunikasyon ng Malacanang at Kongreso para maiwasan ang paggamit ng pangulo ng kapangyarihan nito na mag-veto ng panukalang batas. "May rekomendasyon na kami para diyan at isa sa planong gawin ay maglagay ng legislative liaison ang bawat ahensiya na tututok sa mga committee hearing para kaagad malaman nila kung puwede ba o hindi ang nakasaad sa bill," ayon kay Mamba. Sa ngayon, kulang umano ang tauhan ng PLLO upang sila ang umupo sa mga committee hearing at magbantay sa mga tinatakay na panukalang batas sa Kamara at Senado. Maging si Speaker Feliciano Belmonte ay naniniwala na kailangang magkaroon ng mas mahusay na koordinasyon ang sangay ng ehekutibo at lehislatura para maiwasan ang pag-veto sa mga ipinapasa nilang panukalang batas. “There is a need for better coordination. Cabinet secretaries should make their positions clear during the hearings at the House or Senate, and not at the Presidents level, or after the bills are passed by Congress,” nakasaad sa ipinadalang text message sa media ni Belmonte.   Iminungkahi naman ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong, na gawing madalas ang pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council para matalakay ang mga aaprubahang panukalang batas.   Isinisi naman ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay, sa PLLO ang kawalan ng mahusay na ugnayan ng  Malacanang sa Kongreso.   “It is due to the failure of the PLLO. They failed to brief Malacañang concerning such measures, as well as the rationale behind them,” ayon sa kongresista. -- RP/FRJimenez, GMA News

Tags: vetopower, veto, aquino,