Operasyon ng MRT3, naabala ng 4 na oras dahil sa isang aksidente
Naabala ng aabot ng apat na oras ang operasyon ng MRT Line 3 dahil sa isang aksidente sa bahagi ng riles malapit sa Magallanes Station nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay MRT General Manager Al Vitangcol III, nangyari ang insidente bandang alas-5 ng madaling araw kung saan nilimitahan ang operayson ng MRT sa pagitan ng Quezon City at Mandaluyong City.
"Bandang 5 a.m. may taong grasa sa riles ng tren natin, ito nasagasaan ng padating na tren," sabi ni Vitangcol sa dzBB radio.
Sabi ni Vitangcol, dahil sa insidente ay napilitan ang MRT na mag-operate lamang sa pagitan ng North Avenue sa Quezon City at Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.
Dahil dito, hindi na nagawang makasakay ng mga pasahero sa Makati at Taft Avenue sa Pasay City.
"Di makarating sa Taft dahil naroon ang katawan ng lalaki," sabi niya.
BUmalik naman sa normal ang operasyon sa MRT pagkatapos ng apat na oras.
Ayon sa Department of Transportation and Communications, kinailangang hintayin ang Scene of the Crime Operations members na magbigay ng abiso kung puwede nang ituloy ang operasyon.
"Regular MRT operations resumed at 9:17am after clearance from SOCO," ayon sa DOTC sa Twitter. -- JGV /LBG, GMA News