Pulis: Punong guro sa Kalinga, patay sa pamamaril
Namatay matapos barilin ang isang punong guro sa isang paaralan sa Tabuk City sa probinsiya ng Kalinga, tatlong araw bago ang pasukan sa Lunes.
Sa isang ulat pulis-Kalinga nitong Linggo, sinabi na nangyari ang insidente noong Mayo 31 bandang alas-9:35 ng gabi sa Purok 3 sa barangay ng Bulanao Norte.
Kinilala ng pulis ang biktima na si Alvino Lupnacan, 50, school principal ng Cawagayan National High School, may asawa at nakatira sa Poruk 3, Bulanao Norte.
Ayon sa paunang imbestigasyon, kakakain lamang ng hapunan ng biktima at lumabas ito para maligo sa isang irrigation canal mga 15 metro ang layo mula sa bahay nito.
Nang malapit na ito sa irrigation canal, bigla itong binaril ng isang armadong lalaki na nagmula sa bakal na tulay sa may irrigation canal.
Isinugod pa ng mga kaanak nito ang biktima sa Almora General Hospital ngunit idineklarang patay na ng mga doktor ilang saglit matapos isugod doon.
Pinaghihinalaang gumamit ng shotgun ang suspek dahil sa maraming tama ng baril na tinamo ng biktima sa dibdib.
Patuloy na iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente. -- JGV /LBG, GMA News