ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 batalyon ng army, sinasanay laban sa mga sakuna sa tag-ulan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang batalyon ng Philippine Army ang patuloy na isinasalang sa "water search and rescue training course" ng Philippine Coast Guard bilang paghahanda laban sa mga sakuna na maaaring idudulot ng panahon ng tag-ulan.

Ayon sa ulat ni Carlo Mateo ng dzBB, sinabi ng tagapagsalita ng PCG na si Commander Armand Balilo na tatagal ng tatlong araw ang pagsasanay upang lalo pa umanong hasain ang mga sundalo sa pagsagip ng buhay.

Kasama sa pagsasanay ang pag-aaral sa "rubber boat manuevering" at dagdag kaalaman sa paglutas sa mga problemang masasagupa ng mga rescuer sa panahon ng matitinding pagbaha at sa tuwing magsasagawa ng search-and-rescue operation sa karagatan.

Kaugnay nito, nauna nang inalerto ni Rear Admiral Rodolfo Isorena, Commandant ng PCG, ang lahat ng units nito lalong-lalo na sa silangang bahagi ng Mindanao, gayundin sa Visayas at Bicol region, dahil sa isang low-pressure area na huling namataan ng PAGASA 460 kilometro silangan ng Borongan, Eastern Samar. — RC /LBG, GMA News