ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

6 Taiwanese, inaresto ng NBI sa Pampanga dahil sa bank-account scam


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Anim na Taiwanese ang inaresto ng National Bureau of Investigation dahil umano'y sa panloloko ng mga tao sa China at pagnanakaw ng pera ng mga biktima sa bangko. Ang anim ay naaresto noong Hunyo 4 matapos ang isang surveillance operation sa Pampanga, ayon sa ulat na isinumite kay NBI Director Nonnatus Rojas nitong Huwebes. Ayon sa NBI, nakakumpiska ito ng 15 credit crads mula sa mga suspek. Kinasuhan na ang mga Taiwanese dahil sa paglabag ng Republic Act 8484 o ang "Access Devices Regulation Act of 1998." Ang isa sa anim ay kinasuhan ng hiwalay na reklamong bribery matapos alukin ng P500,000 ang mga operatiba ng NBI na humuli sa kanila. Ayon sa NBI, ang mga suspek dito sa Pilipinas ay magpapanggap na awtoridad mula sa China at tatawag sa mga biktima nila sa China rin. Hinahati ng mga suspek sa tatlo ang grupo nila: Inaalam ng unang grupo ang profile ng kanilang bibiktimahin upang malaman kung sila ay madaling maloko. Ang ikalawang grupo naman ay magpapanggap na mga pulis at sasabihing ang biktima ay may kinahaharap na kaso na paglabag sa anti-money laundering sa China. Matapos nito ay papayuhan ng ikalawang grupo ang mga biktima na ilipat ang pera nila mula sa kasalukuyan nilang bangko tungo sa isang secured na account na ibibigay ng mga suspek upang maiwasan ang pag-freeze sa account. Ang ikatlo at huling grupo naman ay magpapanggap na mga piskal at sasabihan ang mga biktima na huwag munang i-withdraw ang pera nila sa secured account hanggang walang go signal. Matapos nito, iwi-withdraw ng mga suspek ang pera ng biktima sa secured account, ayon sa NBI. Dagdag pa ng NBI, hindi nalalaman ng mga biktima na ang tawag ay mula sa Pilipinas sa tulong na rin ng isang teknolohiya na nagtatago sa totoong pinagmulan ng tawag at palilitawin na galing ito sa isang lokal na pulis sa China. — JGV /LBG, GMA News