Dalagitang kasambahay na minolestiya ng katrabaho, inalok ng suspek ng kasal
Isang 17-anyos na kasambahay sa Cebu City ang nagsumbong sa pulisya tungkol sa ginawa umanong pangmomolestiya sa kanya ng lalaking kasamahan niya sa trabaho sa pinagsisilbihan nilang bahay. Personal na nagtungo sa pulisya ang ina at dalagitang biktima na itinago sa pangalang "Nene," upang ireklamo ang ginawang panghahalay ng suspek na naganap noong Martes ng gabi. Kwento ng biktima, may bisita ang kanilang amo nang araw na iyon at ipinagamit na tulugan ang kaniyang kuwarto. Dahil dito, sa sasakyan umano ng amo natulog ang biktima kung saan naganap ang pang-aabuso sa kanya ng kasama sa trabaho. Sa pagsusuri sa biktima, napatunayan na inabuso si Nene kaya inaresto ang suspek. Hindi naman itinanggi ng suspek ang ginawang pagsasamantala sa biktima at idinahilan na lasing lamang siya. Kasabay ng paghingi nito ng kapatawaran sa biktima, inalok din nito ng kasal ang dalagita. Ngunit desidido ang biktima na ituloy ang pagsasampa ng demanda laban sa lalaki na nahaharap sa kasong panggagahasa. -- Vic Serna/FRJ, GMA News