Dingdong Dantes, pinangunahan ang special screening ng 'Dance of the Steel Bars' sa isang bilangguan sa Cebu
Pinangunahan ng Kapuso actor na si Dingdong Dantes ang special screening ng independent film na “Dance of the Steel Bars” nitong Biyernes sa isang bilangguan sa Cebu kung saan kinunan ang malaking bahagi ng mga eksena nito. Bukod kay Dingdong, kasama rin sa pelikula ang Hollywood actor na si Patrick Bergin, at ang Youtube sensation na Cebu Dancing inmates ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC), kung saan isinagawa ang special screening. Sa loob ng CPDRC, kasama ang ilang mga bilanggo, kinunan ang mga eksena ng nasabing pelikula. Sa ulat ni Cata Tibayan na ipinalabas sa “24 Oras,” sinabing hango ang “Dance of the Steel Bars” sa kwento ng Cebu dancing inmates na sumikat sa YouTube matapos sayawin ang “Thriller” ni Michael Jackson. Noong 2007 at 2010, itinanghal ng Time Magazine ang nasabing video bilang isa sa pinakasikat na video sa internet. “In terms of camaraderie nila saka kung paano sila naggeget-together, nagkakaisa sila through music, hanga ako sa kanila dun,” ani Dingdong sa report. “It takes such strong characters to put up something like this, such a strong discipline of each of the inmates.” Samantala, para naman sa direktor ng pelikula at Kapuso reporter na si Cesar Apolinario, ang Cebu dancing inmates ang kaniyang naging inspirasyon upang gawin ang pelikula. “Nanonood kami noon ng 24 Oras and I saw the dancing inmates na parang ang daming natotouch na mga tao na Pinoy and even abroad so sabi ko magandang gawan ng pelikula,” aniya. “Walang anumang rehas na bakal ang maaaring humadlang kung meron kang isang magandang idea, magandang konsepto na nais mong ipalabas,” dagdag pa ni direk Marnie Manicad. Mapapanood ang iba pang eksena ni Dingdong at ng Cebu dancing inmates sa Linggo sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho.” Sa Hunyo 12 o Araw ng Kalayaan nakatakdang isagawa ang Manila premiere ng pelikula. Isasali rin sa mga international film festival ang “Dance of the Steel Bars” -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News