ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ex-cop, dinakip sa pagpatay sa isang traffic enforcer sa Cebu City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang dating pulis ang dinakip kaugnay sa pagbaril at pagpatay sa isang traffic enforcer sa Cebu City na tumanggap ng parangal bilang outstanding traffic operations management personnel sa lungsod. Kinilala ang biktima na si Armando Daligdig, na tatlong beses umanong pinaputukan sa katawan ng suspek na tumakas sakay ng motorsiklo. Nadakip sa follow-up operation ang suspek na si Geoffrey Borinaga, na sinasabing naalis sa serbisyo bilang pulis matapos masangkot sa kaso ng iligal na droga. Mariin namang itinanggi ni Borinaga ang paratang laban sa kanya. Kuwento ng ilang saksi, nagmamando ng trapiko nitong Huwebes si Daligdig nang tawagin ng suspek na nakasakay sa motorsiklo. Nang makalapit ang biktima ay pinaputukan na ito ng suspek saka tumakas. Sinasabing nakilala ng ilang saksi si Borinaga, at nakuha sa kanya ang isang kalibre 45 na baril na may pitong bala. May nakuha rin umanong t-shirt at short sa suspek na suot nito nang araw na paslangin ang biktima. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen dahil sa hinala na maaaring inutusan lang si Borinaga na patayin ang biktima, ayon kay Sr. Supt Mariano Natuel, OIC-Cebu City police office. Isa pa patay sa pamamaril Samantala, isang 29-anyos na lalaki rin ang binaril sa Cebu City habang may kausap sa cell phone matapos itabi sa kalsada ang minamaneho niyang motorsiklo. Kinilala ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo na si Jenrey Flores, na nagmula sa barangay Poblacion sa lungsod ng Talisay. Ayon sa saksi, ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklo at habang may kausap ito sa cell phone ay nilapitan ito ng suspek na mahaba ang buhok at saka binaril ng isang beses. Tumakas ang hindi nakilalang salarin sakay umano ng isang kulay pulang sports car. Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan sa suspek. -- Chona Carreon/Vic Serna/FRJ, GMA News

Tags: cebucrime