Pagbili ng segunda-manong tren mula Spain, di na itutuloy ng DOTC
Hindi na itutuloy ng gobyerno ang pagbili ng segunda-manong mga tren mula sa bansang Espanya para madagdagan ang kakulangan ng mga bagon ng Metro Rail Transit Line 3.
Sa mensaheng ipinadala ni Department of Transportation and Communications (DOTC) spokesman Michael Arthur Sagcal sa dzBB, sinabi nitong matatagalan pa umano ang pag-deliver ng mga tren mula sa Espanya.
Nauna nang naiulat na aabutin pa ng dalawang taon bago makarating sa Pilipinas ang mga segunda-manong bagon galing doon.
Ayon kay Sagcal, bibili na lang umano ang gobyerno ng bagong mga bagon sa halip na segunda mano, at mababawasan pa umano ang maintenance cost.
Aabot sa 640,000 na mga pasahero ang sumasakay sa MRT-3 araw-araw.
Matatandaang nagtungo sa Spain ang ilang tauhan ng DOTC upang suriin ang mga segunda-manong tren matapos alukin ang Pilipinas na bumili ng mga ito dahil sa madalas na mahabang pila sa mga istasyon lalo tuwing rush hours. — RC /LBG, GMA News