Batang lalaki, natabunan ng lupa sa Davao Norte, patay; ilang bahagi ng Mindanao, binaha
Isang 10-taong-gulang na lalaki ang nasawi sa pagguho ng lupa sa Davao del Norte dahil sa patuloy na pag-ulan, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Biyernes. Inihayag ng NDRRMC na naganap noong Miyerkules ang trahedya dakong 5:00 p.m. sa Sitio Maligatong sa Barangay Magwawa sa bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte. Sinabing tinatawid ng biktimang si Andit Karayon ang ilog sa Sitio Maligationg kasama ang ilang kaklase nang maganap ang landslide. Sa hiwalay na ulat ng GMA news 24 Oras, sinabing hindi naging madali ang isinagawang paghahanap sa mga labi ng bata. Nagkaloob naman ng tulong pinansiyal ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima para sa pagpapalibing ng bata. Mga pagbaha Samantala, iniulat din ng NDRRMC ang naganap na pagbaha sa Barangays Manindo at Poblacion sa Datu Pagtas sa Maguindanao, at Barangay Columbio sa Sultan Kudarat nitong Huwebes. Ilang residente rin ang inilakas sa Matina, Davao dahil sa pagtaas ng tubig sa Matina-Balusong River bunga ng pag-ulan. Sa North Cotabato, may 40 pamilya ang inilikas dahil sa pag-apaw ng Kabacan river na nagdulot ng pagbaha at nakaapekto rin sa mga sakahan sa paligid nito. Ilang residente rin sa Brgy. Minapan sa bayan ng Tulunan ang lumikas dahil sa pag-apaw ng Maybula-Minapan river. - FRJ, GMA News