Natalong kandidato, iniugnay sa pagpatay sa piskal sa Batangas
Isang natalong kandidato sa pagka-alkalde at asawa nito ang iniugnay sa pagbaril at pagpatay kay Assistant Provincial Prosecutor Alexander Sandoval sa Sta. Teresita, Batangas nitong Huwebes ng umaga. Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng mga operatiba Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police, ang bahay ng mag-asawang Hermogenes at Ana Marie Mendoza sa barangay Calayaan sa Sta Teresita, ayon sa ulat ng dzBB radio nitong Biyernes. Si Ana Marie ay tumakbong alkalde sa nabanggit na bayan pero natalo nitong nakaraang halalan. Kasalukuyang namang kapitan ng barangay sa lugar si Hermogenes. Isinama ng mga pulis si Ana Marie pero wala sa bahay si Hermogenes. Ilang uri rin umano ng baril ang nakumpiska ng mga operatiba sa bahay ng mga Mendoza. Si Salvador ay binaril at napatay ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo nitong Huwebes ng umaga habang papasok sa kanyang trabaho. Nitong Huwebes ng gabi, nadakip ng mga pulis ang isa sa mga suspek na si Jason Espejo, na umano'y nagdawit sa mag-asawang Mendoza. Sa isang ulat nitong Huwebes, ibinalita ni Prosecutor General Claro Arellano ang pagkakadakip ng mga pulis sa isang suspek sa Taal, Batangas ngunit hindi niya ito pinangalanan. Idinagdag ni Arellano na pumayag ang nadakip na suspek na gumawa ng "extrajudicial” o "out-of-court confession." Kinondena rin ng Integrated Bar of the Philippines nitong Biyernes ang pagpatay kay Sandoval at nagpahayag na tutulong sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso. Sinabi sa ulat ng dzBB radio na si Salvador ang may hawak ng kasong "child abuse" laban sa mga Mendoza dahil sa umano'y pagpaparehistro sa mga menor-de-edad para makaboto. -- FRJ, GMA News