Cayetano, tanging walang sabit sa SOCE filing; Honasan, pinakamahusay gumasta sa mga kandidato
Sa 12 nanalong kandidatong senador sa nakaraang May elections, tanging si Senator-elect Alan Peter Cayetano ang walang naging problema sa pagsusumite sa Commission on Elections (Comelec) ng ginastos sa kampanya. Samantala, lumitaw naman na si Senator-elect Gregorio Honasan ang pinakamahusay na gumastos sa mga kandidato. Sa ipinalabas na urgent memorandum mula sa tanggapan ni Comelec commissioner Christian Robert Lim, sinabi nito na si Cayetano lamang ang tanging nanalong kandidato sa pagka-senador ang walang naging paglabag sa pagsusumite ng statement of contributions and expenditures (SOCE). Si Lim ang namumuno sa Campaign Finance Unit ng komisyon. Gayunman, hindi pa maibigay ng komisyon ang certificate of compliance ni Cayetano dahil hindi pa nagsusumite ng kaukulang dokumento ng SOCE ang kanyang partido na Nacionalista Party (NP). Kabilang sa mga nanalong senador na hindi umano kumpleto ang isinumiteng impormasyon tungkol sa kanilang contributors ay sina Sonny Angara, JV Ejercito, Francis "Chiz" Escudero, Gringo Honasan, Loren Legarda, Koko Pimentel, Grace Poe, Antonio Trillanes IV, at Cynthia Villar. Ang mga nabigo naman na magbigay ng kumpletong impormasyon tungkol sa kanilang ginastos ay sina Nancy Binay, Honasan, Legarda, at Poe. Samantala, ang mga hindi personal na pumirma sa kanilang SOCE na itinatakda rin ng Comelec ay sina Bam Aquino, Pimentel, Poe, at Villar. Itinuturing ng komisyon na "not filed" ang kanilang SOCE hanggat hindi nila ito personal na pinipirmahan. May karampatang multa sa mga nanalong kandidato ang bawat araw na lilipas na hindi pa rin nila naibibigay ang kumpletong rekisitos ng Comelec sa SOCE. Karaniwang umanong naging paglabag sa paghahain ng SOCE ay nawawalang resibo ng mga donor, walang tax identification numbers (TIN) ang mga contributor, walang personal signature ng kandidato, nawawalang resibo ng mga gastusin at iba pa. Sa panayam sa telepono ng GMA News Online, sinabi ni Comelec chief Sixto Brillantes Jr. na hindi pa mapagdedesisyunan ng komisyon ang parusa sa mga kandidatong hindi sumunod sa nabanggit na patakaran. "We'll have to come up with a resolution... We cannot just approve [the memorandum] without going through it. Consensus muna tayo. Pag-aralan muna natin ulit," ayon sa opisyal. Mahusay na paggasta ni Honasan Samantala, lumitaw naman sa ginawang pagsusuri ng GMA News Online sa gastusin ng mga kandidatong inilabas ng Comelec, na sa mga nanalong senador, si Sen Honasan ang naging pinakamahusay gumasta sa nakaraang halalan. Sa 13.2 milyon na nakuhang boto ni Honasan, lumilitaw na P1.8 lamang ang nagastos ng senador sa bawat boto upang makuha ang huling puwesto sa pinaglabanang 12 upuan sa Senado. Sumunod kay Honasan si Sen Antonio Trillanes IV na pumapatak sa P2 bawat boto ang nagastos sa 14.1 milyong boto na nakuha nito. Samantala, itinuturing "worst return" ang naging gastos ni Senator elect JV Ejercito na pumatak sa P10 ang gastos sa bawat boto na nakuha na umabot sa kabuuang 13.7 milyon. Sa mga kandidatong senador na hindi pinalad manalo, lumitaw na sina construction magnate Ricardo Penson at Cagayan Rep. Jack Enrile, ang mayroong "worst return" sa kanilang ginastos. Lumitaw na umabot sa P19 milyon ang ginugol sa kampanya ni Penson samantalang 1.04 milyon lamang ang nakuha niyang boto, o katumbas ng P19 sa bawat boto. Pumapatak naman sa P13 ang naging gastos ni Enrile sa bawat boto na kanyang nalikom na umabot sa 11.5 milyong boto. - FRJ, GMA News