ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rapist ng Pinay nag-alok ng kasal – report


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inalok ng kasal ng isang lalaking akusado sa kasong rape ang kanyang biktimang Pinay domestic helper (DH) sa Dubai, ayon sa ulat ng www.7days.ae. Ayon sa biktima na kinilala lamang sa inisyal na J.R., 21, sapilitan siyang isinakay ng akusado at mga kaibigan nito sa isang kotse noong Abril 19, 2007 habang naglalakad sa Khorfakkan malapit sa bahay ng kanyang amo. Dinala umano ang biktima sa isang liblib na kabundukan at doon hinalay ng suspek na hindi tinukoy ang nasyonalidad. Balak pa umanong “ipagamit" ng suspek si J.R. sa mga kaibigan nito ngunit sinikap niyang makapanlaban kaya iniwan na lamang siya sa lugar. Agad naman niyang ipinaalam sa pulisya ang nangyaring krimen at kaagad na nadakip ang suspek. Lumitaw na apat na ulit nang nasangkot sa kasong rape ang suspek at ang pinakahuli nitong biktima bago si J.R. ay nabuntis. Ayon kay Philippine Consul General Antonio Curameng, inalok ng suspek ang nabuntis na biktima (hindi sinabi kung Filipina) ng dhs40,000 (P503,979) at plane ticket pauwi. Ngunit tumanggi ang biktima sa alok at nahatulan ang akusado na makulong. Nagtataka naman si Tess Bautista, Pinay community leader sa Fujairah, kung papaano nakalaya ang suspek. Ayon sa ulat, inalok ng akusado ng kasal si J.R. bukod pa sa ibibigay na dhs7,000 (P88,196) at plane ticket pauwi. Sinabi ni J.R. na nais niyang bumalik na Pilipinas para makita ang ina na inatake umano sa puso nang malaman ang nangyari sa kanya. Ngunit kung si Curameng ang masusunod, nais niyang ituloy ang kaso at hindi umano dapat hayaan na makipagnegosasyon ang akusado kay J.R. na tiyak umanong magulo ang pag-iisip bunga ng mga pangyayari. - Fidel Jimenez, GMANews.TV