ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

FBI ng US, kinumpirmang patay na si Marwan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinumpirma ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika na ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, ang napatay ng police commandos sa isinagawang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
 
Nauna nang nag-alok ang FBI ng $5 milyong pabuya para sa ikadarakip ni Marwan, isang Malaysian na kasapi umano ng al Qaeda-linked Jemaah Islamiah militant group.

Itinuturo si Marwan na nasa likod ng ilang insidente ng pambobomba sa Pilipinas, at maging sa Bali bombing sa Indonesia.

Sa naturang operasyon sa Mamasapano, 44 na miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police ang nasawi matapos nilang makasagupa ang ilang armadong grupo na kinabibilangan ng Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter.

Nauna nang lumabas ang ulat na kinumpirma umano ng FBI na nagtugma ang DNA ng daliring kinuha mula sa bangkay ni Marwan matapos na ikumpara sa DNA ng isang nakakulong na kaanak nito sa Amerika.

Tatlong taon bago ang operasyon ng mga pulis sa Mamasapano, unang inakala na napatay si Marwan sa isinagawang air strike ng militar sa Mindanao. Ngunit lumitaw na buhay ito at kinakanlong ng armadong grupo.
 
Sa ipinalabas na pahayag ni David Bowdich, assistant director in charge ng FBI Los Angeles Field office, sinabing inalis na nila si Marwan sa listahan ng Most Wanted Terrorist list at pinasalamatan nito ang pulisya ng Pilipinas.
 
"Once again, the men and women of the FBI express sincere condolences to the brave officers of the Special Action Force who lost their lives while attempting to apprehend this dangerous fugitive," ani Bowdich.

Inihayag naman ng PNP na ang ginawang kumpirmasyon ng FBI ay patunay na naging matagumpay ang operasyon ng mga pulis sa Mamasapano.

"This will only be a validation of what the PNP have been saying all along," saad sa text message sa GMA News Online ni PNP spokesperson C/Supt. Generoso Cerbo, Jr. "We have got our man, mission accomplished for Oplan Exodus."

Sinabi naman ni AFP spokesman Brigadier General Joselito Kakilala na ang kumpirmasyon ng FBI ay bubura sa mga pagdududa sa pagkakapatay kay Marwan.

"We are now assured that the notorious JI terrorist had been neutralized and who had victimized numerous innocent civilians in their bomb attacks through the years," anang opisyal. "Also,  Marwan's death drastically cut off or degraded the local terrorists' foreign financial, logistical and technical support."

Sinabi naman ng bagong talagang PNP-Special Action Force director Chief. Supt. Moro Virgilio Lazo, na ang pahayag ng FBI ay makatutulong para mapataas ang morale ng kaniyang tropa.

"We were right all along na nakuha si Marwan," anang opisyal. "This confirmation, as a whole, will heighten the morale of the troops."

Dagdag niya, "Alam mo, kung wala sanang namatay [na troopers], 100 percent accomplished na sana tayo." -- with Reuters/FRJ, GMA News