ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Manila Zoo di ibebenta ni Lim sa PBA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kailangan maghanap ng ibang pagtatayuan ng playing court ang Philippine Basketball Association (PBA) matapos ihayag ni Manila Mayor Alfredo Lim na hindi niya hahayaan mabuwag ang Manila Zoo. Nitong Linggo, sinabi ni Lim na nagulat siya ng marinig ang mga mungkahi na buwagin ang Manila Zoo kapalit ng paglalagay ng dambuhalang coliseum na paglalaruan ng PBA. Aniya, hindi siya papayag na mapagkaitan ang karapatan ang mga maliliit na mamamayan na makakita ng mga hayop na karamihan ay nanganganib ng maubos kapalit lamang ng kikitain sa PBA. “As far as I’m concerned the Manila Zoo will not be touched. Yan ay para sa enjoyment ng taga-Manila at karatig pook. Ilagay ang PBA sa ibang lugar basta huwag to touch Manila Zoo," pahayag ni Lim sa panayam ng radio dzBB. Nagsimulang manungkulan bilang bagong alkalde ng Maynila si Lim nitong Linggo kapalit ni Lito Atienza na nagtapos ang siyam na taong termino. Bukod sa pagharang sa plano na ipagbili sa PBA ang lote ng Manila Zoo, sinimulan din ni Lim ang proseso sa pagbukas sa kalye ng Rizal Avenue sa Carriedo na ipinasira noon ni Atienza. Inaasahang na sa loob ng isang buwan ay maaari ng madaanan ng mga motorista ang nasabing kalye. Kasabay nito, sinabi ni Lim na makikipag-usap siya sa bagong vice mayor na si Isko Moreno upang talakayin ang isyu ng Manila Zoo. Si Moreno at congressman elect Amado Bagatsing ang nagtutulak na ibenta ang lote ng Manila Zoo sa PBA, ang pinakamatandang profession basketball league sa Asya. "Nagulat ako nang may lumabas na balitang ganyan. Makikipagusap ako kay Vice Mayor Moreno," aniya. – Fidel Jimenez, GMANews.TV