Filtered By: Topstories
News

Misis ng OFW, patay sa pananaksak ng hinihinalang magnanakaw


Isang ginang na asawa ng overseas worker ang nasawi matapos siyang pagsasaksakin ng lalaking hinihinalang nanloob sa kanilang bahay sa Malvar, Batangas.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Evelyn Tasico.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng nagising umano ang biktima nang mapansin na nakapasok sa kaniyang bahay.

Pero bago pa man siya makahingi ng saklolo, agad na siyang inundayan ng saksak ng nakatakas na salarin.

Pagnanakaw ang nakikitang motibo sa likod ng krimen dahil nakatatanggap daw ng buwanang remittance ang biktima sa kanyang mister na natratrabaho sa Italy.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin.

Samantala, pinagbabaril at napatay naman sa Lipa, Batangas si Rogelio Amistad nang mga hindi kilalang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Naglalakad daw ang biktima sa sakahan nang makarinig ng apat na putok ng baril ang mga tao sa lugar.

Patuloy pang iniimbestihagahan ng mga awtoridad ang nangyaring krimen. -- FRJ, GMA NEWS

LOADING CONTENT