ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Abuso sa national ID maaaring maiwasan - Gonzalez


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Aminado si Justice Secretary Raul Gonzalez nitong Huwebes na maaaring abusuhin ang national ID system subalit maaari umano itong maiwasan kung magiging maayos ang pagpapatupad ng mga alituntunin at patakaran sa proteksyon ng bawat tao. Inihayag ni Gonzales na walang basehan ang pangamba ng publiko sa panukalang national ID system. "There may be basis [for their apprehensions] because [of] the fact that in our country, a lot of infringements of certain rights have been discovered. But as I said, you must weigh the benefits from the perceived evil, which people are scared about," ayon kay Gonzalez. Nanindigan din si Gonzalez na dapat ay malaman ng publiko ang benepisyo ng pagkakaroon ng national ID system lalo pa’t makatutulong ang proyekto upang madaling matunton ang mga pinaghihinalaang rebelde o terorista. Bukod dito, mapabibilis din ang mga transaksyon ng mga tao sa gobyerno. "I think it's healthy to debate the pros and cons of the ID system so that the people will be properly educated," pahayag ni Gonzalez. “There are many issues, which some people do not really understand. It takes time. In Congress, there will be a proper debate," idinagdag niya. Ayon pa kay Gonzalez, bukas ang gobyerno sa mga mungkahing subukan ang kahusayan ng sistema sa mga empleyado ng gobyerno sa buong bansa. Ipinatutupad na ng gobyerno ang Executive Order 420 o ang unified ID system para sa mga empleyado ng government-owned and -controlled corporations matapos ibasura ng Korte Suprema noong 1998 ang national ID system dahil hindi ito naaayon sa Konstitusyon. Napagdesisyunan ng korte na ang Kongreso lamang ang maaaring maghain ng panukalang batas para magkaroon ng national identification system. Nauna nang nagbanta ang mga militante na sasalubungin ng matinding batikos at protesta ang anumang hakbang ng Malacañang at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipatupad ang national ID system. "Bayan believes that the proposal of the AFP will be met with strong opposition and protests and will be defeated in any legal forum," ayon kay Renato Reyes, Jr., Bayan secretary general. Magkakaiba din ang pananaw ng mga senador at kongresista sa muling pagbuhay ng isyu. Nagkakaisa sina Senador Francis Pangilinan, Francis Escudero at Reps. Edcel Lagman (Albay) at Satur Ocampo (Bayan Muna), na hindi na dapat ipilit ng pamahalaan ang paggamit ng ID system dahil labag ito sa batas at right to privacy ng isang indibidwal. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV