Unang batch ng COVID-19 vaccines, dumating na sa BARMM
Dumating na sa Bangsamoro Region ngayong Huwebes ang unang batch ng COVID-19 doses sakay ng Philippine Airlines Flight 2959, na lumapag sa Cotabato Airport (Awang Airport) magtatanghali kanina.
Lulan ang may 4,200 doses ng Sinovac vaccine na sinalubong ng mga opisyal ng Ministry of Health kasama ang provincial health officials ng Maguindanao at UNICEF.
Ayon kay Dr. Ameril Usman, officer-in-charge ng MOH-BARMM, isasagawa agad sa Biyernes ang pagpapabakuna sa mga frontline health workers sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Sa distribusyon ng mga bakuna, ang 4,200 na doses ay ibibigay sa 2,100 health workers sa mga susunod na lalawigan:
- Maguindanao - 1,400 (700 health workers)
- Lanao del Sur - 972 (486 health workers)
- Basilan - 278 (139 health workers)
- Sulu - 1,032 (516 health workers)
- Tawi-Tawi - 518 (259 health workers)
Ang Cotabato City ay binigyan na ng bakuna ng Region 12.
Dalawang beses ang pagturok ng Sinovac vaccine. Ang pagitan sa pagturok ay 28 na araw matapos ang unang turok ng bakuna.
Ang Bangsamoro Region ay may aabot sa 20,000 health workers mula sa limang probinsya at dalawang lungsod.
Wala rin daw dapat ipangamba ang sambayanang Muslim sa Bangsamoro Region kaugnay sa isyu ng halal sa bakuna.
"'Yung Sinovac has already signed halal by the Indonesian government," ani Usman. "With regards to AstraZeneca and Pfizer, although the manufacturer claimed na wala silang pork derivatives it has no halal certification yet, so right now dito sa atin sa BARMM, wala pa rin tayong na-certify na halal but Sinovac is certified halal in Indonesia...We cannot impose sanction on health workers na magre-refuse sa vaccination, actually it’s a moral obligation, actually they are given options. If they don’t want the Sinovac, pwede sila sa ibang brand.” — BM, GMA News