ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

30 babae, nasagip sa resto na ginawa raw prostitution den sa QC; 11 kalaboso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kalaboso ang bagsak ng 11 katao habang nasagip ang 30 kababaihan matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang bar and grill restaurant na ginawa umanong prostitution den sa Quezon City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, makikita ang pagpasok ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation - Special Action Unit (NBI-SAU) sa establisyimento sa Scout Chuatoco matapos matanggap ang timbre ng kanilang undercover agent sa loob.

Inaresto ang sinasabing manager at 10 customer na inabutan sa loob.

Ayon sa NBI, ginawang spa at nilagyan ng mga kuwarto ang establisyimento na dating bar and grill restaurant.

Patago itong nag-o-operate kahit may COVID-19 pandemic, na lubhang delikado.

Nakatakdang magsagawa ng dental examination para matukoy kung sino sa mga sinagip ang menor de edad, habang sasampahan ng reklamo ang nasa likod ng prostitution den.

Tumangging magbigay ng kanilang pahayag ang manager.

Iniimbestigahan din ng NBI ang pangalan ng dalawang unit ng isang law enforcement group na nakalista umano sa dokumento ng prostitution den, at kung ito nga ba ay tumatanggap ng pera kapalit ng proteksiyon sa naturang establisyimento.

Dasmarinas, Cavite

Sa Dasmarinas, Cavite naman, anim na babae, kabilang ang isang menor de edad, ang naligtas din sa operasyon ng mga awtoridad sa isang sex den.

Nagpanggap na customer ang mismong operatiba ng Dasmarinas City Police at kumontak sa bugaw ng mga babaeng sex-for-sale worker para maikasa ang entrapment operation.

Sanib-puwersa ang pulisya at ang mga kawani ng City Social Welfare and Development at Women and Protection Desk.

Sa naturang sex-for-sale modus, nagkakahalaga ng P3,000 pataas ang pagkuha sa mga babae.

Mariing itinanggi ng suspek na bugaw siya ng mga babaeng na-rescue.

Pansamantalang nasa pangangalaga ng City Social Welfare and Development ang anim na biktima. -Jamil Santos/MDM, GMA News