Natagpuang wala nang buhay at may mga saksak sa katawan ang isang ina at dalawa niyang menor de edad na anak sa San Jose, Romblon ngayong Miyerkules.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na si Wielyn Maximo Mendoza, 29-anyos, at mga anak niyang sina Boy at Jun, nakatira sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.

Batay sa report na nakarating sa Romblon Police Provincial Office, umaga kanina nang matagpuan ng mga kamag-anak ang duguang katawan ng tatlo sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay.

Tadtad umano ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang mag-iina.

Ayon sa Romblon PPO, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station at Romblon Provincial Forensic Science Unit para matukoy ang pagkakilanlan ng salarin.

Iniutos din ni Police Brigadier General Sidney Hernia, PNP Mimaropa Regional Director, ang masusing imbestigasyon sa krimen at hulihin sa madaling panahon ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

--Paul Jaysent Fos/FRJ, GMA News