ADVERTISEMENT

News

May-ari ng SUV na nang-hit-and-run ng guwardiya, sinampahan ng reklamong frustrated murder

Sinampahan na ng reklamong frustrated murder ang may-ari ng SUV na nang-hit-and-run sa isang guwardiya sa Mandaluyong City.

Sa kaniyang mensahe sa GMA News Online, sinabi ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Gauvin Mel Unos na bukod sa frustrated murder ay sinampahan na rin ng reklamong abandonment of one's own victim ang may-ari ng SUV.

“Na-file na po ang case of frustrated murder and abandonment of one's own victim (Violation of Art. 275 of the RPC) against the registered owner of the vehicle,” saad ni Unos sa kaniyang mensahe nitong Martes.

Sa panayam naman sa Unang Balita, sinabi ni Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) director Clarence Guinto na maaaring tanggalan ng lisensya ng SUV driver.

 

ADVERTISEMENT

Sa kasalukuyan, suspendido ang lisensya ng suspek ng 90 na araw para sa preventive action. Maaari itong tuluyang tanggalin sa kaniya kapag napatunayang hindi siya kwalipikado na humawak ng lisensya.

“The most that the LTO may render as an adjudication is perpetual revocation kapag na-determine ng LTO na hindi na siya fit magmay-ari ng (if the LTO finds the driver unfit to hold a) Philippine driver license,” saad ni Guinto.

Natanggap na rin ng may-ari ng SUV ang show cause order. Sinabi ni Guinto na sa ngayon, ipinagpapalagay na ang rehistradong may-ari ng sasakyan ang siya ring driver na sangkot sa insidente ng hit-and-run.

Napaulat na inilahad ng may-ari ng SUV na ang kaniyang anak ang nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang insidente.

Inimbitahan na rin ang may-ari na dumalo sa preliminary hearing nitong Martes para ipaliwanag ang nangyari, ayon pa kay Guinto.

Kasalukuyang nasa intensive care unit at nagpapagaling ang biktimang security guard na si Christian Joseph Floralde. Nangyari ang insidente Linggo ng hapon.—Jamil Santos/AOL, GMA News