Ginhawa ang hatid sa tuwing lumalagutok ang buto at naiibsan ang pananakit ng katawan sa pamamagitan ng chiropractic treatment. Pero dahil may kamahalan, isang chiropractor ang ginagawa ito nang libre sa mga publikong lugar.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Mai Bermudez, sinabi ni Bry Pineda na dalawang taon na siyang chiropractic practitioner sa bansa. Sumailalim din siya sa chiro education sa US para madagdagan pa ang kaniyang kaalaman.

Taong 2019 nang maging certified chiropractor si Bry.

Nagkakahalaga ng P2,000 hanggang P5,000 ang kada session ng isang chiropractic treatment na 30 minuto hanggang isang oras. Dahil may kamahalan, hindi lahat ay kayang magbayad sa ganitong treatment.

Kaya naman layon ni Bry na maipasubok ang chiropractor treatment sa publiko.

Dahil limitado pa ang mga chiro clinic at may kamahalan ang presyo, nagpapalagutok ng buto si Bry nang libre sa mga pampublikong lugar na kaniyang napupuntahan.

"Nagbe-base kami sa nature of work nila. Ito 'yung mga laging nakatayo, long hours na nakatayo. Of course alam mo nang medyo may nararamdaman o iniindang 'pain.' Hindi like other people na they have the opportunity to go here and magpa-treat," sabi ni Bry.

Tunghayan sa Dapat Alam Mo! ang ginhawang naramdaman ng mga tindero, tindera at iba pang trabahador nang makasubok ng patikik na chiropractic treatment ni Bry nang libre sa Commonwealth Market. --FRJ, GMA News