Dead on arrival sa ospital ang isang lalaking nagmamando ng trapik matapos siyang masagasaan ng ambulansiyang may sakay na COVID-19 patient sa Opol, Misamis Oriental.

Nakilala ang biktima na si Falconiri Mirasol, ayon sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Cebu sa Unang Balita nitong Martes.

Base sa imbestigasyon, napag-alaman na nakipag-inuman si Mirasol sa kanyang kaibigang si Jepoy Alcantar, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao.

Tumawid ng kalye ang magkaibigan ngunit nahagip ng isang motorsiklo si Alcantar kaya't napahandusay ito.

Tumulong si Mirasol na magmando ng trapiko ngunit nasagasaan naman ito ng ambulansiya.

Nakaladkad si Mirasol at nagulungan si Alcantar na agad binawian ng buhay.

Papuntang Cagayan de Oro City ang ambulansiya noon para dalhin sa ospital ang sakay na COVID-19 patient.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng ambulansiya na hindi nagbigay ng pahayag. —KG, GMA News