Patay ang isang lalaking namaril at sugatan naman ang kanyang dalawang kapitbahay nang sila ay mag-away sa Pasay City nitong Sabado ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Leandro Pedrosa, isang retiradong miyembro ng Philippine Air Force, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Sugatan naman ang mag-live-in partner na sina Jovel Villegas at Hazel Mijares. 

Nasa intensive care unit ngayon si Mijares habang nasa ospital din si Villegas at nagpapagaling. 

Nangyari ang insidente sa Barangay 183, Villamor, Pasay City.

Ayon sa caretaker ng bahay ng mag-live-in partner, maaga pa lang noong araw na iyon ay nagsisigawan na sina Mijares at si Pedrosa.

Matagal na raw na inirereklamo ni Pedrosa sina Mijares dahil naiingayan siya tuwing may inuman sa tindahan nila, kuwento ng caretaker.

Ayon kay Villegas, hinamon daw sila ni Pedrosa na lumabas ng bahay at saka bumunot ito ng baril.

Matapos silang barilin ni Pedrosa ay binaril naman nito ang kanyang sarili at namatay.

Ayon sa Pasay Police, dati nang naireklamo sa barangay ang alitan ng magkapitbahay.

Walang pahayag ang mga kamag-anak ni Pedrosa sa pangyayari. —KG, GMA News