Dinala sa simbahan para mabasbasan ang pitong Grade 9 student matapos umanong saniban ng masamang espiritu habang nasa klase sa Carcar City, Cebu.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes ng gabi.

Sa amateur video, makikita ang ilan sa mga estudyante na pinipigilan at pinapakalma ng mga tao kasama na ang pulis.

Ayon sa isa sa mga tumulong, naniniwala siyang nasaniban ang mga estudyante habang nagkaklase.

Nagsisisigaw at nanlilisik umano ang mga mata ng mga estudyante. Kakaiba rin umano ang lakas ng mga ito.

Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng simbahan maraming posibleng dahilan kung bakit nagkaganoon ang mga bata at kailangan munang masuri nang mabuti bago sabihin kung talaga nga bang sinaniban ng mga estudyante.--FRJ, GMA News