Pinag-iingat ng awtoridad ang publiko laban sa kumakalat na ‘Ikaw ba ang nasa video’ na isa umanong scam. Babala sa mga makatatanggap ng ganitong mensahe, huwag pindutin ang "link" dahil maaaring ma-hack ang inyong Facebook at bank account details.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” ngayong Lunes, sinabing isa sa mga nakatanggap ng ganitong mensahe si Marites Mendoza, na galing pa mismo sa kaniyang kaibigan.

May kalakip na "link" na tila video ang mensahe, at hindi siya nagduda dahil kakilala niya ang nagpadala.

Pinindot daw ni Mendoza ang link para masuri kung ano ang tinutukoy na video at kung siya ang laman nito. Ang hindi niya alam...

“Pag-click ko po, ‘yon nga po wala naman pong lumabas na video. Bigla na lang pong nangyari, pag-click ko po… bigla na lang nawala ang messenger ko at saka Facebook ko po. Inulit-ulit ko, sabi ko anong nangyari bakit ganon. 'Ay mama, na-hack ka,'” kuwento niya.

Dahil sa pagpindot ng link, nakontrol na ng hacker ang kaniyang messenger at nanghingi umano ang hacker ng pera sa mga kakilala niya.

“Marami pong tumawag sa akin dahil nga po nabigla sila dahil hindi ko rin naman po gawain na magpa-send ng G-cash,” ani Mendoza.

“May mga nag-chat po bale sa asawa ko at sa mga anak ko po sila nag-chat na ‘yun nga nanghingi. Tapos may nagsabi sa akin na nag-send din po sila ng halagang ganon, sabi ko hindi po ako ‘yon. Bale po may ilang tao rin silang nahingan… siguro isa pong P2,000, may P500, may P300 at saka may P800 din,” dagdag pa niya.

Agad naman siyang nag-post at ipinaalam sa social media na na-hack ang kaniyang account para wala nang iba pang maloko. Pati kapatid niya, may natanggap ding link sa text na invitation umano sa raffle.

Nang pindutin ang link, na-hack din ang Facebook nito.

Sinabi ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group na isang uri ng scam ang kumakalat na “Ikaw ba ang nasa video?”

“Ito ‘yung tinatawag nating phishing link at 'pag pinindot mo ‘yan, automatically, kasi it will download to your gadget at kukunin niya kung ano ang naka-design sa program na ‘yon,” paliwanag ni PNP-ACG spokesperson Police Lieutenant Colonel Jay Guillermo.

“Ano ba ang puwedeng makuha? Sabi ko nga it can be a bank account, it can be password of your bank account, it can be one-time password of your bank account. ‘Yun kasi ang purpose niyan eh. Unknowingly, ‘yun ang mga tina-target nila but there are some programs wherein they could capture sabi ko nga kanina, sensitive videos if you have in your gadgets. Kung mga secret na, ano ‘yung mga  pictures,” dagdag pa niya.

Samantala, pinagbabantaan pa raw ang iba tulad ng sumbong mismo ng kaklase ni Guillermo.

Sa tala ng PNP-ACG, aabot na sa 118 reklamo natatanggap nila sa loob ng tatlong buwan. Ngunit posible raw na mas marami pa ang nabiktima at nakuhanan ng pera na hindi umaabot sa kanila.

Kung mabiktima, magsumbong agad sa Facebook account o website ng PNP-ACG o sa anomang tanggapan ng pulisya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News