Patay ang isang lalaking Korean national matapos pagbabarilin sa Roxas Boulevard sa Pasay City nitong Biyernes ng umaga, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklara siyang dead on arrival. Nagtamo siya ng tama ng bala sa gawing likod at balikat.

Naganap ang insidente pasado 4 a.m.

Ayon sa ilang mga saksi, tinambangan ang Korean ng isang gunman na nakasakay sa tricycle.

Isang cellphone na pag-aari raw ng suspek ang naiwan sa crime scene.

Nagtungo na sa crime scene ang kapatid ng biktima pero hindi ito nagbigay ng pahayag. —KBK, GMA Integrated News