Nasunog ang isang bus ng lokal na pamahalaan ng Calasiao, Pangasinan matapos umanong maglaro ng lighter sa loob ang isang menor de edad.

Sa video ng GMA News Feed, makikita ang nasusunog na bus habang inaapula ng mga bumbero.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang tatlong menor de edad na pumasok sa nakaparadang bus. Ilang saglit pa, nagliyab na ang bus.

Wala namang nasaktan o nasawi sa insidente.

Tumagal ng 10 minuto bago naapula ang apoy, at tinatayang nasa P500,000 ang pinsala ng sunog.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na isa sa mga bata ang nagsindi ng apoy na dahilan ng pagkakasunog ng bus.

Ang dalawang bata na pumasok din sa bus ang nagsilbi umanong testigo sa nangyari.

Ipinatawag naman ng pulisya ang mga magulang ng tatlong bata.

Aaksiyon naman daw ang Municipal Social Welfare and Development Office para matulungan at mabigyan ng counseling ang mga menor de edad.--FRJ, GMA Integrated News